PAKSA NG BLOGTASAN: IMPEACHMENT
TANONG:Dapat ba o hindi dapat
na si GMA ay ma-impeach?
Isang paanyaya mula kay...
RAFAEL A. PULMANO
Mapitagang pagpupugay sa lahat ng kababayan
na dito ay magagawi at papansin sa daratnan
Isang munting paanyaya ang handog ko sa sinuman:
Halina at makisangkot sa BLOGTASAN ng katwiran!
RAFAEL A. PULMANO po ang kababayan nyo't lingkod
Isinilang sa Laguna, tubo't taal na Tagalog
Matapos na pakilala, ngayon nama'y isusunod
Ang layon ng paanyaya at mithi ng niloloob.
Ang BLOGTASAN ay hinango sa banyagang salitang BLOG
Na sumilang sa internet at mabilis na kumalat
Hango rin sa BALAGTASAN na kung saan naghaharap
Ang dalawa o higit pang panig ay magkasalungat.
Ang layunin ng BLOGTASAN ay himayin at suriin
Sa sangkalan ng katwiran, bawat isyu't suliranin
Patungkol sa Inang Bayan at sariling buhay natin
Sa paraang tinutula nang ayon sa ating sining.
Tantuin lang ng makatang magnanais makilahok
Na dito'y may patakaran at tuntuning sinusunod:
Bawa't linya ay tiyaking may sukat na naaangkop,
Ang pantig ay labing-anim, ang dulo'y magkakatunog.
Bawat kumpol ng taludtod o talata ay may apat
Na linya ng mga tula, na ganito ang katulad
Pagkat ito'y pagtatalo, ang maunang magba-blogtas
Ang susundin ng hahamon sa haba ng isusulat.
Halimbawa ay naunang maghayag ng kanyang panig
Si Makatang Akomuna, at ang tulang isinulit
Ay may anim na talata, ay anim din samakatwid
Ang talatang itutugon ni Makatang Akorinkid.
Unang tindig, halimbawa'y sinundan ng ikalawa
At sa ikalawang tindig, si Makatang Akomuna
Ay lima lang ang talatang inihayag, syempre, lima
Ang talatang isasagot ng makatang ka-blogtas nya.
Mainam na kada yugto't salpukan ng magka-blogtas
Isang buong talata ang sa twi-twina'y nababawas
Sa pag-igsi ng katwiran lalo na sa pagwawakas
Tumitindi ang pukpukan – parang bulkang sasambulat!
Paalala sa makatang makiki-blogtasan dito
Ito'y isang pagtatalo ng tunay na maginoo
Magpanting man iyang teynga at umusok man ang ulo
Mag-ingat lang sa pagpili ng salitang ibabato.
Ang pagsali sa blogtasan pag meron ng bagong paksa
I-klik lang ang "Comment" button, ihayag ang ninanasa
O di kaya ay mag-email, padala ang inyong tula,
sa "rafaelpulmano@yahoo.com" ng may-akda.
Dalawa lang ang makatang tatanggapin sa blogtasan
Na dapat magkasalungat ang panig na napusuan
Ngunit para sa iba pang mahuli sa palistahan
Maaari pa rin kayong magpahayag ng palagay.
Ang komento o reaksyon, malugod na tinatanggap
Siguruhin lang na ito'y anyong tula rin ang sulat
At sundin ang paalalang sa itaas nakasaad
Gagamitin natin dito'y hindi ulo kundi utak.
Tuwing mayrong bagong paksa at kasunong paanyaya
Ang lalahok na makata, dapat munang pakilala
Banggitin ang buong ngalan, nayon, bayan at probinsya
At malinaw na tukuyin ang panig na napili nya.
Kung handa na kayo, Bayan, ay akin nang isusulit
Itong ating unang PAKSA ng BLOGTASAN sa world wide web:
"DAPAT BA O HINDI DAPAT SI GMA AY MA-IMPEACH?"
Magsalita ang may bibig, ang wala ay manahimik.
tugon sa paanyaya at isang pagtatanong mula kay...
EDU CARPENA
Salamat sa paanyaya sa Blogtasan ng Katwiran
Akong ito'y nagagalak at di mo nakalimutan
Sa hinaba ng panahong lagi ko nang hinihintay
Dumating din ang email mong humahamon, kumakaway.
Bago ako magsimulang magpahayag ng damdamin
Nais ko munang itanong kung ano ba ang layunin
Sa sino mang magwawagi ano ba ang dapat kamtin
Siya ba'y may nakalaang gantimpala o pakimkim?
Hiling ko ay paumanhin sa tanong ko kapanalig
Pagka't sa 'yong paanyaya ito ay di mo nabanggit
Sa pagsali sa pa-contest syempre pa ay magpipilit
Na magpuyat at magbuhos ng oras sa pag-iisip.
Muli't-muli'y sasambitin "Salamat sa paanyaya"
Hihintayin ang sagot mong pananabik ang kapara
Habang ako'y nag-iisip kung ako'y may ibubuga
O dapat bang makilahok sa usapang pulitika?
Tugon sa katanungan mula kay...
RAFAEL A. PULMANO
Sa tugon mo ay salamat, kabayan ko at kaybigan,
Salamat din sa tanong mong sa malabo'y naglilinaw
Tama ikaw, di nabanggit kung ano ang naghihintay
Na papremyo na sa ngayon ay wala pang nakalaan.
Aminado akong hindi pumasok sa pag-iisip
Noong unang binalangkas ang blogtasan bilang contest
Na, tama ka, marapat lang na may konswelo ngang hatid
Sa sasaling magpupuyat at utak ay magpapawis.
Sisikapin kong maghanap ng isponsor, Kaibigan
At kung tayo'y papalarin ay may swerteng maghihintay
Sa sino mang magwawagi, gantimpala'y ilalaan,
Kalakip ang karangalan bilang kampeon ng blogtasan.
Kaya ako naman itong hihingi ng paumanhin
Paanyaya'y bukas pa rin sa lahat ng may mithiin
Na iambag sa lipunan na lugmok sa suliranin
Ang talinong sa balana'y kakalampag at gigising.
Blogtasan ay kusang-loob na kinatha ng may-akda
Sa pag-asang may iba pang tulad nya ang ninanasa
Na ibalik ang konsyensyang tila yata nawawala
Sa 'ting bansang di maubos ang may hangad manggahasa.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home