Tuesday, August 01, 2006

PAKSA NG BLOGTASAN: SONA 2006




TANONG:

May kabuluhan ba
ang SONA 2006 ni Pangulong
Gloria Macapagal-Arroyo
sa mas nakararaming
ordinaryong mamamayan?




Lakandiwa
SOLOMON JURADO (Paanyaya)

Sa lahat ng Pilipino, ito'y isang panawagan,
Ito'y isang paghahamon, paanyaya, paligsahan
Mayron tayong isang tanong, isang paksang isasalang,
Hihimayin, susuriin sa sangkalan ng katwiran:
Ang SONA ba ni GMA ay mayroong kabuluhan
Sa buhay ng mas maraming ordinaryong mamamayan?

Sa Blogtasan (pinagsamang "balagtasan" at saka "blog")
Daraanin ang paghimay sa tanong na inilatag
Upang magkabilang panig, mabigyan ng paliwanag
Ng dalawang magtatanggol at makatang magbababag
At sa huli, ang magwagi ay panalong ihahayag
Ang matalo'y tatawaging walang swerte't sawimpalad.

Sa Blogtasang ito'y ako ang papapel na reperi,
Lakandiwa, tagahatol, taga-teka, taga-sige.
Ang tatay ko ay Ilongo, ang nanay ay taga-Leyte
Asawa ay Boholano, tatlo anak sa Masbate.
Solomon Jurado po itong sa Visayas tubo't laki,
"Maayong adlaw kaninyong tanan!" ang matamis kong pagbati.

Ngayon, sino't saan ka man naroroon, kababayan
Hayo't dito ipamalas ang bagsik ng karunungan
Kung taglay mo ang talino, ang tibay ng kalooban,
Ang bilasik ng panulat ng bayaning Jose Rizal
At timyas ng mga tula ni Balagtas ng Panginay
Paanyaya ay bukas na sa tanghalang naghihintay


Panig ng 'May Kabuluhan'
MASIGASIG MAGTANGGOL (Panawagan)

Magandang araw sa narito, at nariyan, at naroon
At saan man sa daigdig nagkalat ang mga Pinoy
Ito po ang inyong lingkod, si Masigasig Magtanggol
Isinilang sa Cavite, lumaki sa Mandaluyong
Nag-aral sa Camanava, naglingkod sa Calabarzon,
Kumakatok bilang anak na makatang taga-Luzon.

Sa tanong na naulinig, ang panig na tutugunan
Walang iba kundi panig na tumpak at mas matimbang:
Sa buhay ng mas maraming karaniwang mamayan,
Ang SONA ni Presidente Arroyo'y may kabuluhan.
Babala ko sa sino mang nagbabalak makilaban,
Umatras na upang hindi lumamon ng kahihiyan.


Lakandiwa
SOLOMON JURADO (Pagtanggap)

Magtuloy ka, Masigasig, at dito mo ipagtanggol
Ang panig na napusuan sa hinayag ritong tanong
Kung mayron pang nakahandang tumugon sa aking hamon
Na kontra sa piling panig ng makatang taga-Luzon
Bukas pa rin ang tanghalan, pumarito agad ngayon
Upang tayo sa bakbakan di abutin ng maghapon.


Panig ng 'Walang Kabuluhan'
DINAPOCO MACATIIS (Panawagan)

Dinapoco Macatiis ang pangalan sa 'king binyag
Ng mahal kong ama't inang sa Zamboanga pinanganak
Ako mismo'y tubong Davao, sa Bukidnon nagkaedad
At sa GenSan nakilala ang babaeng naging kabyak
Sa Basilan, Tawi-Tawi, Cotabato, ako'y tanyag
Na makata ng Mindanao... Nagpupugay po sa lahat.

Ako man ay mangangahas na sumali sa Blogtasan
Sa tanong na sasagutin, ang panig ko ay malinaw:
Iyang SONA ni GMA ay magandang pakinggan lang,
Ngunit walang kabuluhan sa sikmurang kumakalam
Sawimpalad ang naunang tumugon sa panawagan
Pagkat panig ko ang matwid at sa akin ang tagumpay.


Lakandiwa
SOLOMON JURADO (Pagtanggap)

Tuloy ka rin, Dinapoco, hindi kita matitiis
Dama ko sa pangalan mo ang malabis na hinagpis
Dito natin susubukin ang tibay ng inyong dibdib,
Titimbangin ang katwiran at talas ng pag-iisip.
Simulan na ang Blogtasan, ang makatang Masigasig,
Salubungin ng palakpak sa kaniyang unang tindig!


Panig ng 'May kabuluhan'
MASIGASIG MAGTANGGOL (Unang Tindig)

Ang SONA ay pag-uulat na taunang ginagawa
Ng Pangulo sa Kongreso at sa bayang minumutya
Sa layuning ipabatid ang lagay ng ating bansa
At kung anong mabubuting binabalak isagawa
Ng gobyernong kapakanan ng tao ang ninanasa
Sa ilalim ng kaniyang pamumuno't pag-aruga.

Simula ng isang libong milya raw na paglalakbay
Ay wala sa isang hakbang, kundi nasa unang hakbang
Sa tulong ng Kongresistang kaalyado't kaibigan,
Naibatas ang repormang kritikal sa kaunlaran
Kaya ngayon may pondo na ang kaban ng pamahala'n
Gugugulin sa proyektong bayan ang may pakinabang.

Hindi lamang sa interes at utang may pambayad na,
May pondo rin, edukasyon, mga tulay, at kalsada,
Kalingang pangkalusugan, reporma sa ekonomya,
Panlaban sa kahirapan at kontra sa terorista.
May pondo sa pagbabagong politikal na sistema
Palitan ang Konstitusyon at isulong na ang Cha-Cha!

"Medium Term Public Investment Program" pwede nang pondohan
"Super Regions" ilulunsad; paghahari ng Imperyal
Na Maynilang sa proseso'y pampabagal, wawakasan
Ang poder ay ibabalik sa probinsya't kabayanan
Layon nito'y pabilisin ang pag-unlad ng lipunan
Ang panalo? Ang maraming ordinayong mamamayan!

Paramihin ang pagkain sa halagang abut-kaya
At ang presyo ng kuryente, babaan at gawing mura
Itaas ang kaalaman, gamitin ang teknoloh'ya
Bawasan ang sobrang "red tape" ng ahensya't byurukrasya
Ito'y pawang inihayag ni GMA nang mag-SONA
At dito'y ang mamamayan ang panalo at syang bida!


Lakandiwa
SOLOMON JURADO

Masigasig ngang magtanggol ang makatang nagpauna
Tinumbok ang pakinabang ng SONA para sa masa.
Susunod na magtatangkang pakita ng ibubuga
Ay ang kanyang katunggaling sa Mindanao nanggaling pa.
Anya, para sa maraming tao SONA'y walang kwenta,
Dinapoco Macatiis – Palakpakan natin siya!


Panig ng 'Walang kabuluhan'
DINAPOCO MACATIIS (Unang Tindig)

Ang SONA nga'y pag-uulat at di isang pagyayabang
Ito'y tapat na pag-amin sa totoong kalagayan
O sa tunay na estado ng nasyon sa taumbayan
Kilalanin ang nagawa, akuin ang pagkukulang
Ngunit ito, sa SONA nya, tila kusang iniwasan
At sinadyang isantabi ng puno ng Malakanyang.

Sa halip na isiwalat at harapin ang sitwasyon,
Ang SONA ay nagmistulang talumpating pang-eleksyon
Na nilunod sa palakpak ng meyor, ng gobernador,
Ng kongresman at iba pang tuta ng administrasyon
Samantalang naglalaway ang may balak mangumisyon
Ang kawawang taumbayan, patuloy na nagugutom.

Kaya nga kung tutuusin, hindi SONA kundi SINO
SINO nga bang mapapalad ang kikita ng porsyento?
Pihong hindi ang maraming nagdurusang Pilipino
Na di SONA ang pag-asang umasenso kundi lotto
At ang laging dasal, SANA, ay jackpot ang maging premyo
Kahit SONA...Kahit SINO...SANA nga ay magmilagro!

Ano nga ba'ng kabuluhan ng SONA sa mahihirap
Na mababaw lang ang tuwa, simple lamang ang pangarap?
Yang "Cyber Corridor," "Cha-Cha," "Super Regions," pagbubukas
Ng Jollibee sa Basilan, at iba pang patalastas,
Tugon na nga kaya ito sa gutom na dinaranas
Ng naro'n sa tabing-riles, sa estero, sa Payatas?

Kung ang SONA ng pangulo ay mayron ngang kabuluhan
Sa obrero, magsasaka, guro, pari, mag-aaral,
Bakit hindi dinidinig ang daing ng karamihan?
Bakit bingi sa hinaing ng ralyista sa lansangan?
Bakit hindi makalapit ang marami sa Batasan?
Gwardyado ng libu-libong sikyu, pulis, mga kawal!


Lakandiwa
SOLOMON JURADO

Di na nga po nakatiis ang ang makata ng Mindanao
Ang kimkim na hinanakit, isa-isang pinasingaw.
Nagbabalik ang kaniyang katunggali sa blogtasan
Upang muling isanggalang ang panig na kinampihan.
Si Masigasig Magtanggol, para naman mas ganahan,
Salubungin nating lahat ng masiglang palakpakan!


Panig ng 'May kabuluhan'
MASIGASIG MAGTANGGOL (Ikalawang Tindig)

Sa SONA ay inilatag ng Pangulo hindi lamang
Kalagayan nitong bansa kundi maging ang paraan
Kung paano isusulong ang nais na kaunlaran
At anumang kaunlaran ay para sa mamamayan
Kaya ako'y nagtataka sa ginoong katagisan
Na ang utak ay di naman yata lubhang kapurulan.

Ang isa sa "Super Region" na sa SONA tinutukoy
Ay "North Luzon Agribusiness Quadrangle" na naglalayon
Iangat ang kabuhayan ng taga-Bocod, Itogon,
Cordillera, Mountain Province, Tabuk, Kalinga, La Union
Lalo na ang magsasaka't mga inang naroroon
Sariwa at murang gulay, saganang ani ang tugon.

"Metro Luzon Urban Beltway" ay isa pang "Super Region"
Na kung saan ang Subic-Clark-Tarlac Road ay idurugtong
Sa Mar'kina-Infanta Road, at gagawing tuluy-tuloy
Ang North Expressway at C-5 sa Expressway ng South Luzon
Sa MRT at LRT, Northrail, Southrail hanggang Bicol
Ang byahe ay iwas-trapik, mas mabilis, 'komportabol.'

Ang lahat ng ito kapag natupad sa hinaharap
Siguradong ang aani ng bunga ay mahihirap
Mas bibilis na ang byahe sa probinsya at sa syudad
Pagkain ay sasagana, kabuhayan ay aangat
Karaniwang manggagawa ay kikita na ng sapat
Sa tulong ng pamahal'an, buong bansa ay uunlad!


Lakandiwa
SOLOMON JURADO

Malinaw at detalyadong nagtanggol ng kanyang panig
Ang makatang nagsasabing SONA anya ay may hatid
Na biyaya at pag-asa sa maraming nakikinig
Ngunit kanyang kantunggali, baligtad ang iniisip.
Walang silbi raw ang SONA sa pobre at taong yagit,
Palakpakan nating mali – Dinapoco Macatiis!


Panig ng 'Walang kabuluhan'
DINAPOCO MACATIIS (Ikalawang Tindig)

Kahit sinong nakasaksi sa SONA sa telebisyon
Walang dudang napabilib ng Powerpoint Presentation
Marami rin ang humanga sa video clips, and most of all,
Ang lahat ay nakibunyi nang tumindig na ang idol
Na si Manny "Pacman" Pacquiao... Ako lang ay nagtatanong:
Sa hirap ng mamamayan, yan na nga ba ang solusyon?

Kung meron mang katuturan ang SONA ng Presidente
Nakatulong ito upang mga bobo'y makumbinsi
Sa computer, multimedia, Pangulo'y di ignorante
At maraming nalalaman sa larangang geography
Kitang-kita rin sa SONA ang husay nya sa diskarte
Kung paano pasayawin ang Kongreso ni JDV.

Sa SONA rin pinamalas, galing nya sa pulitika
Pati Pinoy celebrities, kanyang namamanipula
Grupong unang nakaakyat sa Bundok Everest, saka
Athletic medalists, boxer, at beauty queen – nagmistula
At nagsilbing dekorasyon, mga props at propaganda
Na inulan ng palakpak dahil sila ang pag-asa.

Tumpak! Mga tulad nila ang pag-asa nitong bayan
At di SONA ng Pangulong kinukwestyon bawat hakbang
Magmula sa "Hello Garci" ng eleksyon na nagdaan
Magpahanggang sa pagdami ng di ma-solve na patayan
Kaya tuloy, katalo kong masigasig sa paglaban
Kahit ayaw kong mag-isip, duda ko rin, nabayaran!


Lakandiwa
SOLOMON JURADO

Lumalaon, umiigting, umaanghang ang salita
Ng dalawang kapwa sanay sa pagsalag at pagtudla
Hahayaan ko na sila, di muna ko papagitna
Magpambuno, magkagatan, sila na nga ang bahala
Tayo namang madlang people, wag lang basta tumunganga,
Palakpakan natin upang ganahan at di magsawa!


Panig ng 'May kabuluhan'
MASIGASIG MAGTANGGOL (Ikatlong Tindig)

Kasabihan, ang tao daw, kung paksa ay binabago
Yan ay tanda ng pag-iwas sa pag-aming sya ay talo
Maliwanag kung nasaan aming isyu'y nakasentro
Subalit sa personalan hinahatak ng katalo
Sa halip na ang mensahe ng SONA ang idiskurso,
Mensahero ang hinamak, pinuntirya ng insulto!

Bakit ang "Hello Garci" tape na kaytagal pinyestahan
Ng Senado, TV, radyo, ng lahat ng pahayagan
Hanggang dito'y inuungkat imbes na ilibing na lang?
Palaging may Senate hearing in aid of legislation daw
Pag may bagong kontrobersya, anomalya at iskandal
Hindi tuloy makausad ang bayan sa kaunlaran.

Sa pagpaslang na nabanggit na patuloy nagaganap
Ang sinabi ng Pangulo sa SONA ay maliwanag:
"In the harshest possible terms," kinondena niyang ganap
Mga "political killings" pagkatapos, iniharap
Sa Kongreso ang Heneral na umano ay lalansag,
Pupulbos sa komunista at kalaban ng sosyedad.


Panig ng 'Walang kabuluhan'
DINAPOCO MACATIIS (Ikatlong Tindig)

Tatlong taon, labing-isang buwan, anim na araw pa
Magmula nang idiliber ang mahaba niyang SONA
Iiwan daw ni GMA yaong pagka-Pangulo nya
Na maraming matutupad kung hindi man lahat anya.
Alin na nga kaya rito ang posible't may pag-asa?
Matupad ang mga plano? O iwan ang kanyang silya?

Kung plano ang tutuparin, maski yata sampung taon
Kukulangin sa lawak ng nakakalulang ambisyon
Nida Blanca murder case nga, di malutas hanggang ngayon
Proyekto pa sa Mindanao, Visayas at saka Luzon?
At kung sadyang walang balak manatili sa posisyon,
Bakit nanggagalaiting mapal'tan ang konstitusyon?

Kung SONA ay aasahang matutupad balang araw
Para na rin sinabi mong Pangulo'y pagtiwalaan
Kahit iyong nababatid ilang taon na'ng nagdaan
Nagbitiw sya ng salitang sya rin mismo ang sumuway
Na aniya'y di tatakbo sa eleksyong presidensyal
Pagkatapos, tumakbo rin, binaboy pa ang halalan!


Panig ng 'May kabuluhan'
MASIGASIG MAGTANGGOL

Sa SONA ay isa-isang inilahad ng Pangulo
Ang programang nasimulan patungo sa pagbabago:
Sa Cagayan de Oro na dating sisenta y cinco,
Corruption sa public contracts, bumaba sa trenta'y otso.
Ang dami ng maralita, konti na lang – veinte'y cinco
Sa Mindanao, ang coconut export natin, dies porciento.

BPO workers ay dal'wang libo noong 2001
Ngayon ay dalawang daang libo ang kanilang bilang.
Pati ang OFW na bayaning naturingan,
Sa SONA ay binanggit din saka pinasalamatan.
Kaylangan ng bansa ngayon ay umusad at gumalaw
Nasa SONA ang pag-asa, wala sa pagbabangayan.


Panig ng 'Walang kabuluhan'
DINAPOCO MACATIIS

Ang hirap sa presidenteng eksperto sa Ekonomiks
Pati SONA dinadaan sa ganda ng istatistiks.
Si FPJ maski walang ga'nong muwang sa palitiks
Ang pananaw sa ekonom'ya, mababaw lang at simplistik:
Bawat Pinoy, sa maghapon, kakain nang tatlong ulit...
Kahit dukhang "no-read, no-write," maaabot yan ng isip.

Wag igiit na ang SONA ay mayroong kabuluhan
Lalo na sa ordinaryong nagdurusang mamamayan
At lalong wag pangaraping magwawakas ang bangayan
Hangga't hindi nalulutas ang malaking katanungan
Hinggil sa kung tunay nga ba o peke ang nananahan
Na kunwari'y lehitimong pinuno ng Malakanyang!


Panig ng 'May kabuluhan'
MASIGASIG MAGTANGGOL

Sa eleksyong natapos na't malalim ang likhang sugat
Ang hiling ng Presidente, magkaisa tayong lahat
Hidwaan ay isantabi at tanggapin nang maluwag,
Igalang ang naging pasya ng botanteng mayoridad
Na Pangulong ibinoto'y malinaw na isinulat
Sa balotang tinig kapwa ng mayaman at mahirap!


Panig ng 'Walang kabuluhan'
DINAPOCO MACATIIS

Magkaisa? Limutin na ang hidwaan? Hindi ganyan
Ang hamon ng nagtataray sa kalabang pulitikal:
"For those who want to pick up old fights, we're game," ang pinagyabang
Sa kakampi sa Batasan na nauwi sa bastusan!
At balotang boses dapat ni Mang Pandoy at Mang Juan?
"I am sorry" kung may hindi napasama sa bilangan!


Panig ng 'May kabuluhan'
MASIGASIG MAGTANGGOL

Sa halip na tuligsain ay bigyan sana ng tsansa,
Bigyan ng pagkakataon ang Pangulo at ang SONA!
Ito'y alang-alang na rin sa maraming umaasa
Na pagsapit ng panahon, ipinunla'y magbubunga!


Panig ng 'Walang kabuluhan'
DINAPOCO MACATIIS

Ganyan din ang kahilingan ng Minorya sa Kamara:
Tsansang dinggin ang Impeachment Complaint, ngunit binasura!
Di na sinaalang-alang ang maraming nag-akusa
At ayaw ring bigyang-pansin, kahun-kahong ebidensya!


Panig ng 'May kabuluhan'
MASIGASIG MAGTANGGOL

Pagbasura sa impeachment ay dinaan sa proseso
Nagdebate, nagbotohan, resulta ay irespeto!


Panig ng 'Walang kabuluhan'
DINAPOCO MACATIIS

Irespeto ang botohan kung sang-ayon sa prinsipyo
At di ayon sa milyones na pork barrel ng partido!


Panig ng 'May kabuluhan'
MASIGASIG MAGTANGGOL

Ang SONA at di impeachment itong paksa ng Blogtasan!


Panig ng 'Walang kabuluhan'
DINAPOCO MACATIIS

SONA SANA pero SINO'ng may porsyento't pakinabang?


Panig ng 'May kabuluhan'
MASIGASIG MAGTANGGOL

SONA ay may kabuluhan!


Panig ng 'Walang kabuluhan'
DINAPOCO MACATIIS

Sa tuta ng Malakanyang!


Lakandiwa
SOLOMON JURADO

Tigil muna sa pagngawa kayong hindi magkasundo
Pasingitin naman akong pagod na sa kauupo
Kahit kapwa may katwiran, may punto at may talino,
Ay sumapit na ang oras para kayo'y magsihinto.
Kababayang minamahal, sa dalawang nagpambuno
Malutong na palakpakan ang isukling buung-buo!

Ang SONA ng 2006 ni GMA sa Batasan
Ay mayroon ba o walang masasabing kabuluhan
Sa buhay ng mas maraming karaniwang mamamayan?
Iyan nga ang tanong natin at paksa ng talakayan.
Ang tugon ni Masigasig Magtanggol dito'y "OO" raw,
Subalit kay Dinapoco Macatiis, "HINDI" naman.

Sa panig ni Masigasig na sa SONA ay nagtanggol
May pondo raw ang gobyerno, at ang planong maisulong
Ay proyektong magtatatag ng wika nga'y "Super Region"
Hahango sa kahirapan at sa bansa'y magbabangon
Dito anya, ang maraming ordinaryong mga Pinoy
Aani ng pakinabang sa pagsapit ng panahon.

Ayon naman sa kablogtasang hindi na raw makatiis
Ay hindi ang taumbayang karamihan, dukha't yagit
Ang sa SONA ay mayroong pakinabang makakamit
Kundi silang nakaluklok sa gobyernong nag-iisip
Ng sariling pakinabang, kapakanan, at interes
May komisyon o porsyento sa pondo ng bawat project.

Marami pang argumentong ibinato ang dalawa
Na humantong sa impeachment, sa eleksyon at sa Cha-Cha
Subalit sa katapusan, ang kaylangan maresolba
Ay kung "Meron ba o walang kabuluhan" nga ang SONA
Sa buhay ng ordinaryong Pilipinong marami na
Ang manhid sa nangyayari, sawa na sa kaaasa.

Bilang hukom, tagahatol, Lakandiwang naatasan
Sa akin ay sino nga ba sa dal'wa ang mas matimbang?
Kayo na ang syang pumili, ang aking lang kahilingan,
Ipahayag ang hatol nyo sa darating na halalan
Kung uso pa ang eleksyon, kung mandaya'y parusahan,
Kung patas na ang Comelec, kung mayron pang kalayaan.

Dito ko na wawakasan ang Blogtasan sa internet
Ang mabuti ay pulutin, ang masama ay iwaglit,
Ang tamaan, wag mapikon. Ang tama, wag mag-iinit.
Sa ngalan ng magigiting na makatang makukulit,
Dinapoco Macatiis at Magtanggol, Masigasig,
Paalam na! Kita tayo sa 'ming muling pagbabalik!






Reserbado ang lahat ng karapatan
© 2006
Rafael A. Pulmano